Sunday, October 26, 2014

The Healing


Suring Pelikula: The Healing

I. Pamagat: The Healing

II. Tauhan:


  •   Vilma Santos bilang SETH
  • Jhong Hilario bilang DARIO MATA
  • Carmi Martin bilang BLES
  • Mark Gil bilang VAL
  • Allan Paule bilang RUBEN
  • Cris Villanueva bilang DING
  • Janice de Belen bilang CITA
  • Kim Chiu bilang COOKIE
  • Ynez Veneracion bilang GRETA
  • Robert Arevalo bilang ODONG
  • Martin del Rosario bilang JED
  • Pokwang bilang ALMA

III. Kwento:
 
Ang The Healing ay umiikot sa isang kwento  kung saan ang pangunahing karakter na si Seth (Vilma Santos) ay nakaranas ng iba't ibang malalagim na pangayayri dulot ng pagpapagamot sa isang faith healer na kung tawagin ay Elsa. Ipinapakita sa kwento ang naging mga pamamaraan ni Seth upang mailigtas ang kanyang mga kasamahan mula sa pagkamatay at kung paano niya ito hinarap nang buong lakas at tapang. 

Makikilala din dito ang limang kaibigan ni Seth na nakararanas ng ibat ibang sakit at problema na maaaring nararanasan ng mga tao sa totoong buhay. Makatotohanan kung maituturing ang sitwasyong kinalalagakan ng bawat kaibigan ni Seth sa pelikula.

Naging mapanganib ang buhay ni Seth at ng kanyang mga kaibigan matapos ang panggamot ng siang faith healer. Marahil ay marami ang namatay, ngunit sa huli, patuloy na lumaban si Seth upang mailigtas ang iba pang natitirang nabubuhay na maaaring maging maging biktima.

IV. Banghay ng Pangyayari:

Si Seth (Vilma Santos) ay isang babae na hiwalay na sa kanyang asawa at mayroong anak na si Jed. Si Jed ay naninirahan na sa bagong pamilya ng kanyang amang si Val at tanging si Odong, ama ni Seth, ang kasama niya sa tinitirhan niyang boarding house. 

Mayroong karamdaman si Odong. Isang araw, himalang napagaling si Odong ng isang faith healer na si Elsa. Dahilan ito upang ang limang kaibigan ni Seth ay humingi ng tulong sa kanya upang dalhin din sila sa manggamot. Kabilang na rin sa mga nagpagamot ang half sister ni Jed na si Cookie kung saan siya ay mayroong sakit sa kidney.

Matapos ang pagpapagamot kay Elsa, isa isang namamatay ang mga nagpagamot sa isang malagim, kahindik- hindik at marahas na paraan. Bawat susunod na pagkamatay ay mas malala kaysa sa nauna.Bago ang pagkamatay ng bawat biktima ay nakakakita si Seth ng uwak at isang hindi malinaw na hitsura ng doppleganger ng bawat biktima.

Kinakailangang patayin ni Seth si Dario Mata, isang patay na tao na nabuhay ni Elsa sa panggagamot niya upang matigil ang sumpa at mailigtas ang kanyang mga kaibigan

V. Paksa/ Tema:

Ang kasakiman sa buhay ay maaaring magdulot ng kasakitan sa iba. 

Ang trahedyang nangyari sa palabas ay dulot ng pagnanais ng isang patay na tao na muling mabuhay. Sinuway ni Elsa na manggamot ang hudyat ng kamatayan kung kaya't kapalit nito'y buhay ng mga inosenteng taong ang nais lamang ay gumaling at maging maayos ang buhay.


VI. Cinematograpo:

Maayos ang pagkakaayos ng pelikulang The Healing. Akma ang mga camera shots at angles sa mga pangyayaring ipinapakita sa pelikula. Dulot nito ay mas maayos at malinis na pagkakalahad ng mga emosyon na tumagos pati sa mga manonood. Malinis ang pagkakaputol ng mga eksena at sakto ang pagkakahabi nito. Ang mga kagamitan, lugar at kasuotan ay umangkop sa atmosperang  nais na ilahad ng pangkat ng produksiyon. Sunod sunod ang mga pangyayari at bawat eksena ay kinasasabikan,

VII. Mensahe:

Mahalaga ang buhay, subalit hindi hawak ng tao ang pagwawakas ng oras ng isang buhay.

Tauhan

a.  Nagampanan ba ang papel nang buong husay?

     Maayos ang pagkakaganap ng mga tauhan sa pelikula. Ang nadama kong takot at pagkabigla sa buong oras na panonoood ng palabas ay itinuring kong epekto ng kagalingan ng pagganap ng mga aktor sa kanilang katauhan sa pelikula. Kung titignan at susuriing mabuti, bawat aktor na gumanap ay matagumpay na napasok ang puso at isip ng karakter na kanilang ginampanan.

b.  Nakisimpatya ba tayo sa kanila?

     May mga oras na nakadama ako ng pagkaawa sa takot at kahirapan sa loob na nararanasan ng mga karakter. Sa kabuuan ng panonood sa pelikula, ang bahagi kung saan pilit na inililigtas ng nanay na ginagampanan ni Janice de Belen at ng karakter ni Vilma Santos ang  kanyang anak mula sa pagkakamatay ang nagtulak upang mangibabaw sa aming damdamin ang pagkaawa sa malagim na sinapit ng anak na si Grace.

c.  May sigla ba o wala ang pagganap?

     Mayroong sigla na ibinigay ang pagganap ng mga actor. Marahil ay malungkot at nakakatakot na uri ng pelikula ang, “The Healing,” may mga bahagi sa palabas kung saan napatawa ang mga manonood. Kung sigla sa aspeto ng paraan ng pagkakaganap ng mga actor, walang dudang buong husay itong naibigay ng mga gumanap.

d.  May element of surprise ba o wala sa ikinikilos?

     Sa palabas na, “The Healing,” ang element surprise na tinatawag ay mahalaga upang mapatunayan ang kagalingan hindi lamang ng mga taggaganap kung hindi pati na rin ng pagkakabuo ng kwento. Kung susuriing mabuti, maraming pagkakataon ng pagkagulat ang naranasan ng mga manonood. Ibig sabihin, matagumpay na naihatid ng mga aktor ang element of surprise.

e.  Totoo ba o hindi ang mga karakter?


     Kung iisiping mabuti, palaisipan pa rin sa mga tao ang mga kababalaghang nagaganap sa mga tauhan sa pelikula. Ngunit sa ngayon, masasabing hindi totoo ang ibang karakter. Totoong sa buhay ay may mga taong may sakit at naniniwalang mapapagaling sila ng mga faith healer. Gayunpaman, palaisipan pa rin sa iba ang mga bagay tulad ng pagkakasanib at doppelganger.

Istorya o Kwento

a.  Natinag ka ba ng kwento?

     Kung may hihigit pa sa kahulugan ng pagkakatinag, baka iyon ang mas akmang paglalarawan sa nangyari sa akin pagktapos manood. Ilang araw kong hindi makalimutan ang ilang nakakatakot na pangyayari sa pelikula na maging sa sarili kong buhay ay iniisip kong baka mangyari din.

b.  Kapana- panabik ba ito?

     Masasabi kong kahit na nakakatakot ang palabas ay patuloy ko pa rin itong pinanood dahil kapana-panabik ang kwento nito. May mga pagkakataon kung saan matatahimil ang lahat at nakatutok sa mga pangyayari sapagkat labis na kasabikan ang nararamdamaton.

c.  Mababaw ba o malalim ang istorya?

     Ang kwento ay nagpapahayag ng kalaliman sa damdamin ng isang tao. Kumplikado ang mga emosyon na ipinapakita ng mga tauhan. Maaaring dala ito ng mga sitwasyon sa buhay na ibinagay ng kwento sa bawat karakter.

d.  May focus ba o maligoy ang istorya?

           Sa una ay magtataka ang isang manonood kung saan patungkol ang palabas. Ngunit ang ganitong technique ay ginagawa lamang upang maging epektibo ang kasabikan na gustong ihatid ng kwento. Kung susuriing mabuti, mayroong fokus ang kwento. Ito ay umiikot lamang sa isang problema at nagtapos sa parehong isyu.

e.  Hinaharap ba ng pangunahong tauhan ang problema?

     Maayos na nagampanan ng pangunahing tauhan ang kanyang karakter sa kwento dahil siya ang nanguna upang malutas ang problema na napapaloob sa palabas. Ang pangunahing tauhan ay kumilos at matapang na naghanap ng solusyon para sa mga problema na kanyang kinaharap.

f.  Nahuhulaan ba ang susunod na pangyayari o hindi?

     Sa aking palagay, mahirap mahulaan nag maaaring sumunod na mangyayari. Maraming pasikot- sikot sa kwento kung kaya’t hindi medaling malaman ng mga manonood ang mga susunod na pangyayari.



g.  Naging kasiya- siya ba ang wakas o hindi?


     Dahil isang horror movie kung maituturing ang pelikula, ang mga uri ng kasiya- siyang pagtatapos sa mga ganitong palabas ay ang mga pangayayari na makapagbibigay ng matinding takot, pagkasabik o palaisipan sa mga manonood. Bihira lamang sa mga ganitong uri ng pelikula ang isang masayang pagtatapos. Sa wakas ng palabas na The Healing, masasabi kong maayos ang naging mga pangyayari.

Pananalita

a.  May respeto bas a pananalita?

     Sa kabuuan ng kwento, walang anumang sinabi ang mga tauhan na makaapekto sa kagandahang asal ng isang tao. Maaaring may mga karakter na hindi kanais- nais ang pag- uugali, subalit ang knailang pananlita ay akma pa rin upang marinig ng  mga manonood.

b.  Bulgar ba o matino ang mga salita?

     Walang anumang ginamit na bulgar na pananalita ang palabas. Lahat ng pananalita ay matino at maayos.

c.  Mahahaba ba ang dayalog na halos walang tuldok?

     Katamtaman lamang ang haba ng pananalita ng bawat katauhan sa palabas. Hindi masyadong madula at karamihan ng naganap ay aksyon.

d.  Nauunawaan ba ang mga salita?

     Bilang isa sa mga manonood, madali kong naunwaan ang mga pahayag ng bawat tauhan. Marahil dahil payak lamang na mga salita ang ginamit ng sumulat ng kwnento.

e.  May lalim ba o malaman ang mga salita?

     May mga pahayag kung saan maaaring makakuha ng aral ang bawat manonood. Ang ilang bahagi ng mga pananalitang nagamit sa palabas ay mga nakakubling kahulugan. Maaaring ang iba dito ay nakakatawa, subalit mayroong itong lalim at kahulugan. Maaaring gamiting halimbawa ang pahayag n Vilma Santos sa anak ng kanyang asawa sa ibang babae na ginanap ni Kim Chiu: “Kung hindi lang kita anak, higit pa sa yugyog ang makukuha mo.” Masasalamin sa pahayag na ito ang pagmamahal na maaaring maibigay ng isang ina sa kanyang anak na handing gawin ang lahat para sa kabutihan ng kapakanan ng kanyang anak.


Tema o Paksa

a.  Anong diwa o kaisipan ang napakintal sa isipan ng manonood?

     Maaaring makita ng manonood ang kahalagahan ng relasyon sa kaibigan, pamilya, asawa at anak.  Ang pagiging kuntento din sa handog ng tadhana ukol sa buhay ng tao ay matutunan sa nasabing palabas. Sa bawat manonood, ang pagiging sakim sa buhay ay maaaring magdulot ng kahirapan sa ibang tao. Marahil ay ginawang simbolismo ang pagkamatay ng bawat tauhan, subalit malinaw na inihahatid ng kwento na ang isang tao na sariling buhay lamang ang iniisip ay magdudulot ng pagdurusa sa iba.

b.  Nagwagi ba ang kabutihan sa kasamaan?

     Ang pagwawagi ng kabutihan sa kasamaan ay maaaring magdulot ng ibang sakripisyo. Subalit masasabi kong sa huli ay nanaig pa rin ang kabutihan at nabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng ilang tauhan.

c.  Ano ang impak ng pelikula sa manonood?

     Malakas at malalim ang iniwang bakas ng pelikula sa mga manonood. Malalim na napaisip ang bawat manonood sa mga tunay na kaganapan kaugnay ng nangyari sa palabas.

d.  Ano ang final analysis sa kahahantungan ng pelikula?

     Ang pelikula ay nagtapos sa isang matinding palaisipan. Maaaring natapos na ang problema dahil sa pagkamatay ng kontrabida. Subalit ang pagkagising ng isang tauhan ay mayroong hindi malinaw na pagpapakahulugan. Maaaring patay na ang tauhan at nagising ulit na maaaring magbunsod sa mga malalagim ulit na pangyayari o ‘di kaya’y nagising ang tauhan upang muling makiisa sa kanyang pamilya at mamuhay ng isang payapang buhay.

e.  May nais bang ipahiwatig ang pelikula?
    
     Maaaring ang pelikula ay nais na maghatid ng iba’t ibang aral sa mga tao. Sa palabas na ito, isa sa mga mensaheng nakuha ko ay ang maaaring dulot ng pagkasakim ng isang tao sa buhay ng iba pa.


Titulo

a.  Angkop ba ang titulo sa kwento?

     Ang kabuuan ng kwento ay umikot sa sunod sunod na pagkamatay ng tauhan matapos magpagamot sa isang faith healer. Sa buod ng kwento, masasabi kong angkop ang naging pamagat na The Healing.

b.  May simbolismo o kahulugan bas a pagitan ng bawat hinabing salita?

     Payak lamang at direkta ang ginamit na salita kaya’t masasabi kong hindi na kailangan pa ang kahit na anong uri ng simbolismo. Ang pamagat ay direktang may kaugnayan sa kwento.